AskAbogado
Civil Law

Usapang Utang: Valid ba ang utang kahit walang kontrata?

Alamin kung may bisa ang verbal na usapang utang at paano ito pinapatunayan sa ilalim ng batas sa Pilipinas.

By Atty. Kathleen Felise Constance T.

Published April 8, 2026

7 min read

Close-up of hands signing a loan document with Philippine peso bills on the table

Usapang Utang: Valid ba ang utang kahit walang kontrata?

Atty. Kathleen Felise Constance T.

Maraming Pilipino ang nagpapautang o nagkakautang (simple or personal loan) na walang pinipirmahang kontrata (written contract). Minsan kaibigan, kamag-anak, kapitbahay, o kilalang nagpapautang lang. Madalas nakukuhang magpautang at mangutang nang base lamang sa usapan at walang kasulatan.

Dahil hindi nakasulat ang mga verbal agreement, maaaring makalimutan ang napagkasunduan, lalo na kapag lumilipas ang panahon. Maaari rin itong maging ugat ng alitan, lalo na kung magkaiba ang pagkakaintindi ng dalawang panig sa terms ng kasunduan. Maaari rin itong magresulta sa hindi patas na kalagayan para sa isa sa mga panig, na nagbibigay ng pagkakataon sa isa sa mga panig na samantalahin ang sitwasyon.

• May bisa ba ang verbal na usapang utang kahit walang kasulatan?

Maikling sagot: Oo, puwedeng maging valid ang kasunduang pautang kahit walang written contract. PERO: kapag nagkaproblema na, mahirap itong patunayan, lalo na sa korte.

Sa ilalim ng batas, hindi lahat ng kontrata kailangang nakasulat para maging valid. Ang mahalaga ay:

  • Mayroong NAGPAUTANG (Creditor)
  • Mayroong UMUTANG (Debtor)
  • Malinaw na halaga ng UTANG (Debt), walang labis at walang kulang.
  • Malinaw na KASUNDUAN (Agreement) ng dalawang panig na ang umutang ay may obligasyong bayaran ang utang sa nakatakdang petsa, sa napagkasunduangparaan.

Ibig sabihin, kahit verbal o usapan lang, maaari pa ring may bisa ang utang. Kaya lang, dito nagsisimula ang problema: paano mo mapapatunayan ang usapan kung pabago-bago ang kuwento ng isa sa inyo?

• Bakit delikado ang magpautang at umutang kung walang kontrata?

Kapag walang malinaw at nakasulat na kasunduan, madalas mangyari ang mga sumusunod:

  • Nag-iiba ang sinasabing halaga ng utang
  • Naniningil ng interest kahit ayon sa batas, kailangan ng kasulatan para makapagsingil ng interest.
  • Iba ang pagkaalala sa due date
  • Biglang may dinadagdag na kondisyon na hindi naman napag-usapan

Sa korte, hindi sapat ang “sabi niya” laban sa “sabi ko.” Kailangan ng ebidensiya. At dito pumapasok ang kahalagahan ng written contract.

• Bakit kailangan ang pormal na kasulatan (written contract)?

Ayon sa batas (Civil Code of the Philippines), para makapag singil ng interes, ito ay kailangang nakasulat sa isang kasunduan:

“Article 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”

Puwes, kung walang nakasulat na kasunduan tungkol sa interes, hindi maaaring maningil ng interest ang nagpautang.

Sumakatuwid, kapag may kontrata, IWAS-GULO. Mas madaling ipaglaban ang mga karapatan ng mga nagpautang at umutang kung magkaroon ng hindi pagkakaintindihan.

Ang pormal na kasulatan o written contract ay proteksyon para sa parehong nagpautang at umutang. Hindi ito para manglamang, kung hindi para malinaw ang usapan.

Sa isang simpleng kasunduan o written contract, malinaw dapat:

  • Magkano ang inutang
  • Kailan at paano babayaran
  • May interes ba o wala
  • Ano ang mangyayari kapag hindi nakabayad

• Puwede bang gamitin ang screenshots o Messenger chats bilang Kontrata?

Oo, maaaring tanggapin sa korte ang screenshots, text messages, at Messenger conversations bilang ebidensya ng utang.

PERO, mahalagang paalala:

Hindi automatic na tanggap agad ang mga ito sa korte.

Kadalasan, kailangan:

  • Patunayan kung kanino galing ang messages
  • Ipakita na hindi ito peke o edited
  • Ipaliwanag ang konteksto ng usapan, lalo na kung pabago-bago ang isip.

Ibig sabihin, may dagdag na proseso at trabaho para ma-authenticate ang mga ito, lalo na kung dadalhin na ang hindi pagkakasunduan sa korte. Para sa maraming tao, ito ay, nakakalito, nakakapagod, at magastos.

Tandaan: ang kontrata ay hindi lang para sa nagpautang. Ito ay para rin sa umutang, para hindi masobrahan sa singil at hindi pabago-bago ang terms. Mas mainam na may malinaw na kasulatan (written contract) bago pa man ibigay o tanggapin ang pera.

Kung may maayos na kasulatan (written contract) mula pa lang sa simula, maraming alitan at gastos ang sana’y naiwasan, o di kaya’y mas madaling patunayan kung dadalhin man ang isyu sa korte.

Kung kayo’y uutang or magpapautang, or kung may existing na utang at hindi ka sigurado kung valid, o kung paano ito ipapatupad nang tama, makabubuting kumonsulta sa abogado bago pa lumala ang sitwasyon.

Atty. Kathleen Felise Constance T.

Lawyer since:
2020
Civil
Criminal
Land Issues

Atty. Kathleen can help assess whether a debt agreement is enforceable, review your terms, and guide proper legal steps for collection or defense.

Atty. Kathleen Felise Constance T.

Lawyer since:
2020
Civil
Criminal
Land Issues

Atty. Kathleen can help assess whether a debt agreement is enforceable, review your terms, and guide proper legal steps for collection or defense.