USAPANG OFW: Ano ang Special Power of Attorney (SPA) at Bakit mo Kailangan nito?
By Atty. Kathleen Felise Constance T.
Published November 26, 2026
4 min read

ByAtty. Kathleen Felise Constance T.
Maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang umaalis ng Pilipinas para magtrabaho at mag-ipon para sa kinabukasan. Karaniwan, sila rin ang may intensyon na bumili o magbenta ng real property, o sila mismo ang rehistradong may-ari ng property na nais ipaupa, tulad ng condominium units. Ngunit dahil sila ay nasa abroad, hindi nila personal na napipirmahan ang mga mahahalagang dokumento kaugnay ng kanilang ari-arian. Dito nagkakaroon ng vulnerabilities at posibleng abuso—sapagkat ang OFW ang may legal na karapatang pumirma, ngunit wala siya sa Pilipinas upang gawin ito.
Para matugunan ito, mahalaga ang pagkakaroon ng Special Power of Attorney (SPA).
Ano ang Special Power of Attorney (SPA)?
Ang SPA ay isang legal na dokumento kung saan binibigyan mo ng kapangyarihan ang isang taong pinagkakatiwalaan upang kumilos para sa iyo sa mga partikular na transaksyon, lalung-lalo na kapag may kinalaman sa real property katulad ng lupa, bahay at kondo.
Ayon sa Civil Code of the Philippines:
Article 1868: “By the contract of agency a person binds himself to render some service or to do something in representation or on behalf of another…”
Ayon dito, pinapayagan ka ng batas na magtalaga ng ibang tao na kikilos para sa iyo, na maging “representative” or “attorney-in-fact” mo, sa mga bagay na ikaw sana ang gagawa. Sa ilalim ng SPA, ang mga aksyon ng taong iyon ay itinuturing na parang ikaw mismo ang gumawa, basta ito ay nasa loob ng kapangyarihang ibinigay mo sa kanya.
Sa madaling salita, ang SPA ang nagbibigay ng legal na pahintulot para may ibang pumirma, makipagtransaksyon, o mag-asikaso ng mga bagay para sa iyo, lalo na kung ikaw ay wala sa Pilipinas o hindi makaharap nang personal.
Kailan Kailangan ng SPA ang isang OFW?
Batay sa batas, kinakailangan ang SPA sa maraming sitwasyon, lalo na kung ang gagawing aksyon ay may malaking epekto sa iyong ari-arian o karapatan. Ayon sa Civil Code, kailangan mag -execute ng SPA sa mga transaksyon na may kinalaman sa ari-arian or real property:
Article 1874: “When a sale of a piece of land or any interest therein is through an agent, the authority of the latter shall be in writing; otherwise, the sale shall be void.”
Malinaw ring tinutukoy ng batas kung kailan kinakailangan ang isang Special Power of Attorney, kapag may kinalaman sa real property. Puwes, kung may balak ang isang OFW na ibenta o bumili ng bahay, lupa o kondo mula sa ibang bansa, mapapa walang bisa ang transaksyon kung ito’y pipirmahan ng iba at walang iniwang SPA.
Bukod dito, nakalista mismo ang iba’t ibang mga transaksyon na kailangan ng SPA kung may nais gawing transaksyon ang isang OFW habang nasa ibang bansa, katulad ng (1) Pagbili ng lupa o bahay sa Pilipinas; (2) Pagbebenta ng iba pang real property; (3) Pagpapaupa ng condominium o bahay (lalo na kung higit sa isang taon ang lease); (4) Pagproseso ng mga dokumento kaugnay ng property; (5) Iba pang desisyon na may kinalaman sa pagmamay-ari o paggamit ng ari-arian.
Ang basehan nito ay ang Civil Code of the Philippines na nagsasaad:
Article 1878: “Special powers of attorney are necessary in the following cases: xxx (5) To enter into any contract by which the ownership of an immovable is transmitted or acquired either gratuitously or for a valuable consideration; xxx (8) To lease any real property to another person for more than one year; xxx (12) To create or convey real rights over immovable property; xxx
Paalala sa mga OFW
Bago umalis patungong ibang bansa, mag -iwan ng SPA sa isang mapagkakatiwalaang at maaasahang representative. Maaari na ito’y isang kamag-anak or kaibigan, o puwede din na ito’y isang abogado. Huwag kalimutang ipa-notaryo ito pagka’t hindi valid ang isang SPA kung hindi ito notarized.
Kung ikaw naman ay nasa abroad na, maaari pa ring mag execute ng SPA at ipa-apostille ito sa pinakamalapit na Philippine Consulate sa halip na ipa-notaryo. Maaari itong ipadala sa courier o i-mail sa pinagkakatiwalaangrepresentative.
Sa huli, ang Special Power of Attorney ay isang mahalagang legal na kasangkapan para sa mga OFW. Pinapayagan ka nitong ipagpatuloy ang iyong mga plano, sa pagbili, pagbebenta, o pagpapaupa ng ari-arian, kahit ikaw ay nasa ibang bansa, habang nananatiling protektado ang iyong mga karapatan.
Sa panahon ngayon, hindi hadlang ang distansya para mamuhunan sa Pilipinas. Ngunit kasabay nito ay ang pangangailangan ng tamang legal na proteksyon. Sa pamamagitan ng maayos na Special Power of Attorney, napapadali ng mga OFW ang pagbili, pagbebenta, at pagpapaupa ng kanilang mga ari-arian, habang naiiwasan ang panganib ng panlalamang at abuso.
Siyempre ang SPA ay isang legal na dokumento na kailangang ipa-review sa isang abogado para siguraduhin na walang labis at walang kulang ang laman nito. Kumonsulta sa isang abogado bago ito pirmahan at ipa-notaryo.
Atty. Kathleen Felise Constance T.
Lawyer since:
2020
Kumonsulta kay Atty. Kathleen Felise Constance T. tungkol sa Special Power of Attorney at mga usapin sa lupa, bahay, o condominium.
Atty. Kathleen Felise Constance T.
Lawyer since:
2020
Kumonsulta kay Atty. Kathleen Felise Constance T. tungkol sa Special Power of Attorney at mga usapin sa lupa, bahay, o condominium.